Sa t'wing naaalala kita,
Lalo akong sumasaya sapagkat naaalala pa pala kita.
Gabi-gabi kong idinarasal na sana,
Sana dumating na ang araw na hindi na kita maaalala.
Ipinagdarasal ko sa Kanya na kung ikaw ay di para sakin,
Tulungan nya sana akong tuluyan ka nang mawala,
Mawala sa bawat oras, lugar, pangyayari na ika'y palagi kong naisasama.
Patagal ng patagal, palayo na ako ng palayo.
At kung paano ako lumalayo,
Ganoon rin ang paraan mong paglayo sa akin
At sa bawat ihip ng hangin, dumarating na.
Dumarating na ang araw na tuluyan na nating malilimutan ang lahat ng namagitan.
Ang dami kong natutunan.
Ang daming nagpamulat sa akin sa kakaibang lakbay na ito.
Sinama mo ako sa byahe mo,
Ngunit iniwan mo lang rin ako sa may dako.
Hindi ako nagalit, kung hindi mas inintindi ko kung bakit.
Bakit mo nga ba ginawa sa akin iyon?
Mali. Bakit ko nga ba hinayaang gawin mo ang mga bagay na alam kong hindi ko dapat inako.
Bakit ko pinapasok ang isang taong alam kong hindi naman talaga para sa akin.
Mali. Ito'y dahil binigyan ako ng leksyon.
Hiniling ko, hinanap ko, minadali ko.
Napala ko kung ano ang dapat mapala ko.
Pero ngayon, ito na ang panahon ko para magising.
Mamulat, matuto at gamitin ang lahat sa pagpapatibay ng sarili.
Habang ika'y lumalayo, hindi na ako nakatayong pinapanood ka,
At hinihintay ang bawat paglingon mo sa iyong likuran.
Habang ika'y lumalayo, itatalikod ko na rin ang aking sarili,
Palayo sa taong minahal ko ng buong buo at nagbigay sakin ng napakaraming aral.
Hanggang sa muli, haharapin ko na ang taong para sa akin habang ako'y tuluyan ng tumatalikod sayo.
Tamang oras, tamang panahon at tamang tao.