Friday, April 13, 2018

Akala ko

Akala ko noon ako'y palayo na.
Ngunit sa isang iglap ng iyong ngiting para sa akin,
Itinalon ang malayong agwat at humarap nang muli sa'yo.
Umasang tama ang naging desisyon ko.
Ipinaramdam ng kaunti ang natitira mong pag-ibig.
Lumigaya namang saglit,
Ngunit bakit parang may mali pa rin.
Pinilit intindihin ang mga bagay na alam kong nagbibigay depinisyon sa iyong sarili.
Binigyan ng pagkakataong yakapin ang iyong mundong nakasanayan, ang iyong buhay na ginagalawan.
Ngunit, sa kabila nang lahat,
Aking napagtantong ibang tao na ang hinuhubog kong maging ako.
Hindi tamang pilitin ko ang aking sarili para lamang masakyan ko at masabayan ang iyong pag-ihip.
Hindi tama. Hindi.
At sa isang iglap nang aking pagpikit,
Pagpikit nang saglit habang malalim ang iniisip sa aking muling pagbalik,
Pagbalik sa iyong bisig, yakap at halik..
Bigla nalang tumulo ang luha,
Nagtaka at idinilat ang mga matang tila'y nakapikit.
At sa aking pag gising, nakita kong sa iba mo na iniaalay ang akala kong pag-ibig na aking binalikan.
Matapang na binalikan sa pagasang alam kong mayroon pa ring "tayo".
Bakit ganoon? Bakit ganoon kabilis?
Isa lamang ba akong pagsubok na iyong sinubukan para malaman kung may natitira pa?
Isa nga lang ba akong parausan sa mga panahong walang wala ka?
Isa nga lang ba ako sa mga babaeng patuloy mong niloloko?
Isa nga lang ba ako, isa nga lang ba ako sa mga taong iiisantabi mo lang matapos na pakinabangan?
Maraming tanong na alam kong hindi na masasagot.
At ito na rin siguro ang panahon upang iwanan ang mga katanungang ito dito sa aking kinakatayuan.
Eto na, eto na ang simula,
Simula nang tunay kong paglayo...
Wala nang lilingunin, tatakpan ang tenga at mata.
Hindi na makikiramdam sa mga ihip at haplos,
Hindi na muling papapigil.
Wala nang pintuan para sayo, mahal ko.
Tanging dasal ko lamang, lumigaya ka sana nawa, sa mga kagaguhang hinding hindi mo natatapos.